Nakitaan ng pagtaas sa kaso ng tigdas sa Pilipinas, at malaki ang bilang ng kaso na naitala sa Bangsamoro Region.
Kasabay nito, idineklara ang measles outbreak sa lalawigan ayon kay Dr. Fahra Tan-Omar, tagapamahala ng Integrated Provincial Health Office – Sulu Provincial Hospital o IPHO-SPH.
Sa ulat, 80% sa mga kaso ng tigdas ay naitala sa BARMM at malaking bilang umano dito ay mula sa Lanao. Habang sa unang 3 buwan naman ay nakapagtala sa Sulu ng 111 kaso ng tigdas, pito rito ang aktibo, tatlo ang naka-admit sa Integrated Provincial Health Office at apat sa Sulu Sanitarium and General Hospital.
Kung matatandaan, Enero pa nang makitaan nang pagtaas sa naturang sakit, na agad namang tinugunan ng health sector. Nagbigay ng agarang pagbabakuna na nagpatuloy naman umano hanggang Pebrero.
Samantala, tiniyak naman ng Integrated Provincial Health Office – Sulu Provincial Hospital o IPHO-SPH na tuloy-tuloy ang kanilang pagbabakuna sa mga batang edad anim na buwan hanggang 10 taon.
Inaasahan rin umano nila ang ang pagdating ng karagdagang bakuna laban sa Measles.