Hindi bababa sa walong (8) tauhan ng State Security ng Lebanon ang nasawi matapos ang serye ng airstrikes ng Israel sa southern city ng Nabatiyeh noong Biyernes, Abril 10, 2026 ayon sa Lebanese official media.
Ayon sa ulat ng state-run National News Agency, “enemy warplanes” ang nagsagawa ng matinding pag-atake sa lungsod, kabilang ang isang strike malapit sa government building na tumama sa opisina ng Lebanese State Security.
Nakakita rin umano ng malawak na pinsala sa lugar ang isang AFP photographer, habang patuloy ang paglaganap ng sunog sa pinangyarihang insidente.
‘Wala pang opisyal na pahayag mula sa Israel tungkol sa nasabing airstrikes.
Kasabay nito, mas lalong lumalalim ang krisis sa Middle East matapos igiit ng Iran na kailangang palayain ang mga nakumpiskang pondo nito kung saan dapat din daw munang magkaroon ng ceasefire sa Lebanon bago magpatuloy ang anumang usaping pangkapayapaan.
Ayon kay Iran’s parliament speaker Mohammad Baqer Qalibaf, hindi uusad ang negosasyon hangga’t hindi natutugunan ang mga kondisyon na nauna umanong napagkasunduan sa Estados Unidos.
Samantala, ipinagmalaki ni U.S. President Donald Trump na naging makabuluhan ang ultimatum na ipinataw nito sa Iran kung saan bago ang deadline na wawasakin ang Iran natupad daw ang dalawang-linggong ceasefire para sa anim na linggong digmaan.
Ayon sa mga ulat nagpapatuloy pa rin ang mga pambobomba ng Israel sa Lebanon gayundin ang krisis sa Strait of Hormuz, na isa sa mga pangunahing ruta ng pandaigdigang suplay ng langis na nagpapalala sa pandaigdigang krisis sa enerhiya.
Sa kabila ng anunsyo ng tigil-putukan, nananatiling hindi matatag ang sitwasyon sa Gitnang Silangan habang patuloy ang sisihan at pag-atake sa pagitan ng mga pangunahing sangkot na bansa at grupo, kabilang nariyan ang Hezbollah.
















