Nasa walo sa 10 Pilipino ang sumang-ayon na dapat bumuo ng mga alyansa ang Pilipinas at palakasin ang relasyon nito sa mga bansang may kaparehong concern upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan sa teritoryo at ekonomiya sa West Philippine Sea.
Ito ang nilalaman ng pinakabagong survey ng Pulse Asia na kinomisyon ng international think tank na Stratbase ADR Institute, at isinapubliko lamang ngayong araw, kasabay ng ika-pitong anibersaryo ng panalo ng Pilipinas laban sa 9-dash line claim ng China.
Isinagawa ang survey mula Hunyo 19-23, 2023 at tinanong ang 1,200 Pilipino sa buong bansa kung sang-ayon ba sila o hindi sa pahayag na: “Dapat bumuo ng mga alyansa at palakasin ang ugnayan sa ibang mga bansang may katulad na paniniwala sa Pilipinas para ipagtanggol ang teritoryo at ekonomiya, karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at protektahan ang pandaigdigang kaayusan.”
Eighty percent (80%) ang nagsabing sumasang-ayon sila, habang 17% naman ang nagsabing undecided sila.
Bukod dito, nang tanungin na tukuyin ang mga hakbang na dapat unahin ng administrasyong Marcos upang mabisang matugunan ang mga isyu sa West Philippine Sea, pito sa bawat 10 Pilipino o 72% ang nagsabi na dapat palakasin ng gobyerno ang kakayahan ng militar ng Pilipinas, lalo na ang Navy, Coast Guard at ang Air Force.
Animnapu’t apat na porsyento (64%) ang nagsabi na dapat magsagawa ng joint maritime patrols at military exercises ang gobyerno sa mga kaalyadong bansa, at 61% ang nagsabing dapat ilipat ng gobyerno ang pokus ng mga institusyon sa pagtatanggol ng Pilipinas, at maglaan ng mas maraming mapagkukunan upang palakasin ang kakayahang ipagtanggol ang bansa, mula sa external threats.
Sa kanyang talumpati sa isang forum, binigyang-diin ni Stratbase President Dindo Manhit ang kahalagahan ng pagbuo at pagpapalakas ng mga alyansa ng Pilipinas sa mga magkakatulad na bansa sa pagtatanggol sa West Philippine Sea.