-- Advertisements --

Biyaheng Athlete’s Village na uli sa New Clark City ang walo mula sa 14 Pinoy repatriates ng Diamond Princess cruise ship na dinala sa mga pagamutan matapos mag-negatibo sa testing ng COVID-19.

Ayon kay Health Asec. Rosette Vergeire, kailangan pa rin tapusin ng mga kababayan na itinuring ng patient under investigation ang 14-day quarantine bilang bahagi ng ipinatutupad na protocol.

Sore throat, ubo at lagnat daw ang naranasan ng 14 na Pinoy habang nasa NCC kaya dinala sila sa referral hospitals sa Central Luzon.

Negatibo na rin ang dalawa pa nilang kasamahan pero kailangan pang gumaling sa kanilang naramdamang sakit.

Habang hinihintay pa ang resulta ng apat na iba pa.

Ang mga naiwan namang Pinoy na nag-positibo sa COVID-19 sa Japan ay patuloy na nabawasan.

32 mula sa 80 Pinoy COVID-19 patients ang nag-negatibo na sa sakit, at 10 sa mga ito ang nakasamang umuwi ng repatriates.

Sa ngayon bukod sa pag-aalaga sa mga repatriated Pinoy, abala rin ang DOH sa contact tracing sa 26 na Korean nationals na dumating ng bansa kamakailan.

Nakauwi na raw ang 15 sa mga ito, pero may isa mula sa nabanggit na bilang ang hindi na mahagilap ngayon ng mga otoridad.

Bukas magpupulong ang task force para talakayin pa ang ilang concern kaugnay ng COVID-19 gaya ng usapin sa repatriation ng mga Pinoy sa Macau at travel ban sa iba pang bansa.