Umakyat na sa walo ang kumpirmadong kaso ng mpox sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ay matapos na madagdagan ng tatlo pang indibidwal na nagpositibo sa sakit sa Cotabato City.
Ayon sa city health officer na si Dr. Harris Ali, kabilang sa tatlong bagong mga dinapuan ng sakit ay ang 28 anyos na babae na kasalukuyang ginagamot, isang 72 anyos na lolo at isang 4 na taong gulang na batang lalaki na sumasailalim sa home isolation.
Iniulat din ng opisyal na may 14 na kasalukuyang suspected mpox na na-monitor sa kanilang siyudad.
Kaugnay nito, hinimok ng health official ang publiko na sakaling makaranaas ng sintomas ng mpox gaya ng lagnat, ubo, pananakit ng katawan, pananakit ng ulo at iba pa ay agad na magpasuri sa health centers o pinakamalapit na ospital.
Ipinaalala din ni BARMM health minister Dr. Kadil Sinolinding na ang mpox ay isang sakit na naihahawa sa pamamagitan ng skin to skin o close contact na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng proper hygiene at safety measures gaya ng pag-iwas na magkaroon ng close contact sa mga indibidwal na nagpapakita ng mga sintomas ng mpox.