-- Advertisements --

Tinatayang umabot sa walong bata ang nasawi sa isang mass shooting sa lungsod ng Shreveport, Louisiana, ayon sa ulat ng Reuters nitong Linggo (araw sa Amerika).

Ayon kay Shreveport Police Department spokesperson Christopher Bordelon, ang mga biktima ay nasa edad 1 hanggang 14 taong gulang.

Sinabi rin ni Bordelon sa isang panayam na matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek gamit ang isang ninakaw na sasakyan.

Sa kasunod na habulan, nabaril umano ang sasakyan ng pulisya at kalaunan ay nasawi ang hinihinalang gunman.

Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang buong pagkakakilanlan ng suspek, ngunit ayon kay Bordelon, ilan sa mga batang nasawi ay kanyang mga kaanak.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulisya upang matukoy ang motibo sa likod ng insidente at ang buong lawak ng relasyon ng suspek sa mga biktima.