Walong lugar sa bansa ang sasalubong sa ikinakasang vaccine trials ng mga bakuna laban sa COVID-19, ayon sa Department of Science and Technology (DOST).
Sinabi ni DOST Sec. Fortunato dela Peña na gagawin ang trials sa anim na barangay sa National Capital Region na mataas ang “incidence” o pagkalat ng COVID-19. Mayroon ding isa sa Calabarzon at Cebu province.
“Kung hindi kasya doon sa napiling mga barangay, maaari pang mag-overflow sa kalapit na barangay.”
Paliwanag ng kalihim, sa ilalim ng inaprubahang zoning guidelines ng IATF, dalawang magkahiwalay na trials ang gagawin sa Pilipinas.
“Ang priority sa zoning ay sa WHO Solidarity Trials. Pero titiyakin natin na yung Independent Trials ay magkaroon din ng trial zones… Hindi pwedeng mag-doble ang clinical trial sa isang zone.”
Sa ilalim ng WHO Solidarity Trial, 1,000 volunteers lang daw ang kailangan dahil higit 80 bansa ang kasali sa inisyatibo.
Mangangailangan naman ng 6,000 volunteers sa Independent Trials, maliban kung may kasabay pang ibang bansa ang Pilipinas sa trial ng isang bakuna.
May pitong kompanya na raw na nag-submit sa gobyerno ng confidentiality data agreement, na naglalaman ng mahahalagang impormasyon at kasunduan para makapagsagawa ng trials ang kanilang bakuna sa bansa.
Kabilang dito ang Gamaleya Institute sa Russia na nag-develop ng Sputnik V; Sinovac at Sinopharm mula China; isa pang kompanya mula Russia, Amerika, Taiwan at Australia.
“Let us say na WHO magsisimula sila ng Oktubre, siyempre ang simula naman niya ay marami pa ring preparasyon. Yung pagre-recruit, paga-ayos ng facilities, yan ay baka magsimula ng… pinaka-maaga na yung November. So magbilang ka ng six months (from November), yun ang ating mga estimate (ng trial results). Hindi pa rin nababago ang ating tantya na second quarter of 2021 ang pinaka-maaga.”
Ayon sa DOST secretary, P89-millon budget ang nakalaan sa pagsali ng Pilipinas sa WHO Solidarity Trial. Sasagutin naman ng mga manufacturers ang Independent Trials ng kanilang bakuna sa bansa.