NAGA CITY – Matagumpay na naidiwang ng lungsod ng Naga ang ika-75 Charter Anniversary o 75th Diamond Jubilee Charter Anniversary na nagsimula noong Hunyo 3, 2023 at nagtapos kagabi, Hunyo 18, 2023.
Maalala, maraming mga aktibidad na ang isinagawa sa lungsod sa mga nakalipas na araw tulad ng concierto featuring local artist, bazaar o fair activities, cheer dance competition, sing and dance competition, tree planting na pinangunahan ng City Government, at marami pang iba pa.
Kaugnay nito, kahapon, isinagawa naman ang panghuling aktibidad na tinawag na Charter Day Parade and Fireworks Display kung saan maraming mga grupo mula sa iba’t-ibang sektor sa buong lungsod ang lumahok at nakiisa sa nasabing event.
Napuno nang kasiyahan at kulay ang nasabing Charter Day Parade na inabangan din ng libong mga Nagueños at maging ng mga karatig bayan.
Sa naging mensahe naman ni Naga City Mayor Nelson Legacion kasabay ng nasabing pagdiriwang, sinabi nito na ang 75th charter anniversary ang selebrasyon ng maraming tagumpay at panalo ng Naga bilang isang lungsod.
Ayon pa sa alkalde, sa loob ng pitong dekada at limang taon naipakita ng Naga City na isa ito sa full developed at Independent Charter City sa buong rehiyon ng Bicol.
Dagdag pa nito, sa mahabang panahon umano, good governance ang naging pundasyon ng mga namumuno upang mas matutukan pa at mapunan ang lahat ng pangangailanagn ng mga Nagueño para sa ikakaganda ng buhay at pamumuhay ng mga ito.
Sa nasabi ring selebrasyon ng Diamond Jubille Charter Anniversary mas kuminang pa ang lungsod na kilala sa buong Pilipinas bilang isang Primier City sa Bicol Region at Regional Center for Trade, culture, Education and good local governance sa buong Pilipinas.
Samantala, naging mahigpit naman ang seguridad ng Naga City Police Office katulong ang iba pang augmentation force mula sa iba’t-ibang ahensiya gaya ng Philippine Coast Guard, military, Public Safety Office at iba pa upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Sa pangkalahatan naging makulay, maganda, tahimik at makinang tulad ng diyamante ang selebrasyon ng ika 75th Charter Anniversary ng lungsod ng Naga at babaunin umano ng lahat ang magagandang programa sa taong kasalukuyan upang umangat pa sa taong 2024.