Aabot sa 75 pulis ng Bayawan City Police station ang pinalitan sa pwesto kasunod ng insidente ng pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ito ang kinumpirma ni PNP-Public Information office Chief PCol Redrico Maranan matapos na ipag-utos ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. ang agarang balasahan sa mga police official ng nasabing police station.
Ayon kay maranan, kabilang sa mga na-relieve sa pwesto ay ang Chief of Police mismo ng Bayawan na si PLTCOL Rex Aboy Moslares na pinalitan naman ni PLTCOL Stephen Amamaguid na una nang na-assign sa lalawigan ng Cebu.
Kung maaalala, una nang inamin ng pambansang pulisya na nagkaroon ng security negligence sa panig ng local police dahilan kung bakit madaling nakapasok ang mga suspek sa lugar pati na rin sa mismong compound residence ni Degamo kung saan siya walang habas na pinagbabaril ng mga ito at gayundin ang iba pang biktima sa nasabing karumal-dumal na krimen.