-- Advertisements --

Nagsimula nang bumalik sa dati ang mga serbisyo ng Civil Service Commission (CSC), isa dito ang isinagawang ‘face-to-face’ examination nuong nakaraang Linggo.

Ayon kay CSC Chairman Karlo Nogralez, nasa 74,766 ang kabuuang bilang ng examinees para sa tatlong magkakaibang civil service examinations, ito ang Fire Officer Examination (FOE); Penology Officer Examination (POE); at ang tinatawag na Basic Competency on Local Treasury Examination (BCLTE).

Ang actual na bilang nga mga examinees ay ang sumusunod: 59,092 para sa Fire Officer Examination (FOE); 9,711 para Penology Officer Examination (POE); at 5,963 para sa Basic Competency on Local Treasury Examination (BCLTE).

Malugod din iniulat ni Chairperson Nograles na naging matagumpay at very peaceful ang isinagawang ‘face-to-face’ civil service exams.

Personal naman binisita ni Nograles ang ang Ponciano Bernardo Elementary School at Ponciano Bernardo High School sa Cubao, Quezon City para personal na mabatid ang sitwasyon doon habang ginagawa ang pagsusulit.

Ayon kay Nograles, target ng CSC na mailabas ang resulta ng October 23, 2022 na FOE, POE, at BCLTE examinations sa December 3, 2022 at labis niya ring pinasasalamatan ang higit sa 74,000 examinees dahil sumunod ang mga ito sa health protocols na inilatag sa araw ng kanilang exam.

Dagdag pa ni Nograles, umaasa siyang magiging matagumpay ang mga kumuha sa katatapos na civil service exams, na silang lahat ay maging mga bago at susunod na kawani ng pamahalaan, na hindi lamang matatawag bilang lingkod-bayan kundi mga lingkod bayani ng ating bansa.

Bukod kay Nograles, ang iba pang matataas na opisyal ng CSC ay nag-inspeksiyon din sa iba’t-ibang examination centers.

Samantala, umapela naman si Nograles sa mga nasa gobyerno na ipagpatuloy ang pagbibigay ng magandang serbisyo sa ating mga kababayan.

Una ng inilatag ni Chairperson Nograles ang kanyang mga plano para sa pagsulong ng CSC at ng ating mga lingkod bayan.

Sa pagbabalik sa dati ng mga serbisyo ng CSC, umaasa si Nograles na magtuloy-tuloy ang mga programang nakatutulong sa pagbuo ng isang tapat,mahusay at epektibo na pamahalaan.