BOMBO DAGUPAN – Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng kapulisan sa likod ng nangyaring putukan sa bayan ng Labrador kung saan dalawang miyembro ng Philippine Army ang nasawi.
Ayon kay BGen. Gulliver Señires, ang Commander ng 702nd Infantry Brigade Philippine Army, non commissioner officers ang nag-Awol na suspek na si Master sergeant Malong Quijado at ang biktima nitong si Technical Sergeant Marianito Bolante kaya’t ikinalulungkot niya ang nagyari dahil ilang taon na rin ang kanilang ginugol sa serbisyo at qualified na sana sila para sa retirement.
Matatandaang sinundo ang nag-Awol na si Quijado ng kaniyang mga kasamahan sa Philippine Army noong Biyernes nang bigla nalang nitong binaril si Bolante na sanhi ng agaran nitong pagkamatay.
Kalaunan ay natagpuan na ring nakahandusay at wala ng buhay si Quijado na hinihinalang nagpakamatay.
Sa ngayon ay hindi pa aniya nila matukoy kung ano nga ba ang sanhi kung bakit nag-Awol si Quijado.
Umaasa naman silang hindi na maulit muli ang insidenteng ito.
Samantala, tuluy tuloy naman ang kanilang programa at hindi lang nakatuon sa internal security operations kundi marami rin silang mga aktibidad na tumututok sa pagtulong sa mga kasundaluhan.
Kabilang dito ang kanilang tinatawag na rest and recreation programs na nagbibigay ng pagkakataon sa mga sundalo para makapagpahinga at makauwi sa kani-kanilang mga pamilya nang sa ganoon ay mas ganado silang gampanan ang kanilang tungkulin.