CENTRAL MINDANAO- Nagsagawa ng “Operation Libreng Tuli” Program ang Municipal Health Office ng lokal na pakahalaan ng Pigcawayan Cotabato sa mga kabataan ng bayan sa Municipal Hall Building.
Ayon sa LGU-Pigcawayan, layon ng naturang programa na matulungan ang mga magulang ng mga benepisyaryo na mabawasan ang kanilang gastusin rito ngayong nananatili pa din ang pandemiyang dulot ng COVID-19.
Base sa tala ng MHO-Pigcawayan, nasa 700 mga bata ang nakabenepisyo at sumailalim sa kanilang operation tuli.
Sinabi ni MHO-Pigcawayan Head Dr. Helario Tenorio, bawat batang sumailalim sa operasyon ay nabigyan din ng libreng gamot para sa healing process nito.
Tiniyak naman ni Tenorio na maayos at malinis ang isinagawang pagtuli sa mga bata.
Nagpasalamat naman ang MHO-Pigcawayan sa lokal na pamahalaan at Pigcawayan-PNP na naging kaguwang nito upang maging matagumpay ang naturang programa.