-- Advertisements --

Tukoy na ng 4th Infantry Division ng Philippine Army ang pagkakakilanlan ng pito sa sampung miyembro ng komunistang teroristang grupo na New People’s Army na nasawi engkwentro laban sa mga tropa ng militar sa bahagi ng Malaybalay City, Bukidnon nitong nakalipas na Disyembre 25, 2023.

Ayon kay Lieutenant Colonel Anthony Bacus, ang Commanding Officer ng 8th Infantry Battalion, kabilang sa mga natukoy ng kasundaluhan ay ang mag-asawang top leader ng CPP-NPA terrorist na sina Beverly Sinunta a.k.a. Ayang, at asawa nitong si Alfredo Banawan a.k.a. Alab, gayundin ang kanilang anak na kinilalang si Chen-chen Banawan a.k.a. Pao / Chin2 na pawang mga residente ng Sitio Trukat, Brgy. Cawayan, Quezon, Bukidnon.

Habang kinilala naman ng mga otoridad ang apat na iba pang nasawing rebelde na sina Penita Singaman, a.k.a. Pening, Bebot Solinay a.k.a Ligid, Aurellio Gonsalez a.k.a. Alvin, at isang indibidwal na kinilalang “Loue”.

Ang naturang mga rebelde ay nakilala ng mga otoridad batay sa previous data profile na hawak ng militar, at sa tulong na rin kanilang mga pamilya, at gayundin ng dati nilang mga kasamahang rebelde na ngayo’y nagbalik-loob na sa mga pamahalaan.

Samantala, sa ngayon ay patuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng 8th Infantry Battalion sa pamilya ng mga nasawing rebelde, Philippine National Police at Local Government Unit para sa proper disposition at turn-over ng kanilang mga labi.

Kasabay nito ay sinabi rin ni LTCOL Bacus na nagpapatuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang mga intelligence communities at dating mga rebelde para naman sa pagkakakilanlan ng tatlo pang mga bangkay ng nasawing mga rebeldeng nakasagupa ng mga militar.