-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nasawi ang pitong katao sa inilunsad na law enforcement operation ng mga otoridad sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Turkey Utto Latip, wanted sa kasong frustrated murder, Katindig Mustapha na may kinakaharap na kasong robbery with homicide at lima nilang mga kasamahan.

Ayon kay Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) regional director B/Gen. Arthur Cabalona na magsisilbi lamang ng warrant of arrest ang pinagsanib na pwersa ng CIDG-BAR, Regional Mobile Force Battalion (RMFB-14) katuwang ang militar laban sa mga suspek sa Barangay Mileb, Rajah Buayan, Maguindanao.

Papasok pa lamang ang raiding team ay pinaputukan na sila ng grupo ni Kumander Torque.

Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at sundalo kaya nasawi ang mga suspek, kabilang na ang limang nahuli.

Nakuha sa posisyon ng mga napatay at naaresto ang siyam na mga matataas na uri ng armas, mga bala, magasin, mga pampasabog at mga personal na kagamitan.

Sa ngayon ay inaalam ng mga otoridad kung sangkot ba ang mga ito sa iba’t ibang krimen sa probinsya.