Naligtas ng mga tropa ng 2nd Marine Brigade ng Joint Task Force Tawi-tawi ang pitong pasahero ng tumaob na banka sa karagatan ng Bongao, Tawi-Tawi kagabi.
Batay sa report, ang mga sundalo ay naatasang sumundo at mag-escort sa mga board of election inspectors at vote counting machines mula sa Lato-Lato Elementary School nang matagpuan nila ang tumaob na banka sa bisinidad ng Barangay Lato-Lato.
Dito’y naabutan nilang nakakapit sa tumaob na banka ang pitong biktima na kinilalang sina: Nurkaiza Maduid, 42-anyos; Nadania Aripin, 31; Sherie Abdulasan, 52; Arzaida Monteron, 33; Apra Tuanpanis, 12; Omar Tuanparis, 29; at Sadeeq Taunparis, 30.
Ang mga biktima na pawang mula sa Barangay Lamion, ay dinala ng mga tropa sa Headquarters ng 82nd Marine Corps sa Lamion Wharf.
Pinuri naman ni 2nd Marine Brigade commander Brig. Gen. Romeo Racadio ang mga tropa sa kanilang pagresponde sa mga nangangailangan ng tulong Sa gitna ng kanilang pagganap ng kanilang election duty.