-- Advertisements --

Lusot na sa House Committee on Economic Affairs at Committee on Trade and Industry ang pitong panukalang batas para sa paglikha ng mga special economic zones sa ilang lugar sa bansa.

Ayon kay Iloilo Rep. Julienne Baronda, ang kanyang inihaing House Bill No. 5794 ay naglalayong lumikha ng isang special economic at free port sa lungsod ng Iloilo.

Tatawagin ito bilang Metro Iloilo Special Economic Zone (Miloecozone), na nakikita bilang critical at vital economic hub na magdadala ng positibong pagbabago para sa lungsod ng Iloilo pati na rin sa iba pang lugar sa Western Visayas.

Sinabi naman ni Cavite Rep. Francis Geral Abaya na ang kanyang inihaing House Bill 655 na magtatatag sa Sangley Point special economic zone sa lungsod at probinsya ng Cavite.

Ito ay para mapabilis na rin ang industrial, economic at social development sa naturang mga lugar.

Inaprubahan na rin ng komite ang substitute bill sa House Bill 263 na naglalayon namang magtatag ng special economic zone at free port sa San Jose at Magsaysay, Occidental Mindoro na tatawagin bilang Occidental Mindoro Special Economic Zone Authority.

Bukod dito, inendorso na rin sa komite ang sa plenaryo ng Kamara ang pagtatayo ng special economic zone at free port sa Paluan sa Occidental Mindoro gayundin sa Cebu, Bacolod, Negros Occidental at munisipalidad ng Ubay, Buenavista, Talibon, at Getafe, sa Bohol.