CENTRAL MINDANAO – Naaresto ng militar ang pitong terorista sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division spokesman Lt. Col. Dindong Atilano na nagkunwari umanong mga kasapi ng 105th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na dumaan ito sa detachment ng 40th Infantry Battalion Philippine Army sa Sitio Barugot, Barangay Mother, Tuayan Datu Hoffer, Ampatuan, Maguindanao.
Sinabi ni 40th IB commander Lt. Col. Rogelio Gabi nang hingian na nila ng ID at mga dokumento ang mga rebelde ay wala itong maipakita.
Hindi magkatugma ang pahayag ng mga suspek at kahina-hinala ang kilos kaya agad silang hinuli.
Narekober sa mga rebelde ang dalawang M1 garand rifles, isang M14 rifle, isang M4 rifle, mga bala at mga magazine.
Pinuri naman ni 6th ID chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy ang 40th IB sa kanilang maagap na aksyon.
Sa ngayon ay nasa kostudiya na ng Maguindanao PNP ang mga suspek at patuloy na iniimbestigahan.