Hawak na ngayon ng Bureau of Immigration (BI) officers ang pitong Iraq-bound trafficking victims na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Tinangka raw ng mga biktima na umalis sa bansa sa pamamagitan ng pagpapanggap ng mga itong sila ay turista.
Sa isang statement, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang mga pasahero ay naharang sa NAIA 1 terminal na pasakay na sana sa Scoot Airways flight patungong Singapore.
Sinabi ni Tansingco na ang lahat ng mga pasahero ay babae na umamin sa isinagawang pagtatanong na ang kanilang final destination ay sa Erbil, Iraq.
Na-hire daw ang mga ito na magtrabaho bilang janitresses at mayroong alok na sahod na US$1,000 o katumbas ng mahigit P54,000.
Pero matagal na umanong nagpatupad ang Pilipinas ng deployment ban ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Iraq na patuloy na nakakaranas ng mga karahasan.
Agad naman umanong isinuko ang mga biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa isasagawang karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso laban sa kanilang mga recruiters.
Hindi naman isinapubliko ang kanilang mga pangalan dahil ipinagbabawal ito ng batas lalo na sa mga biktima ng human trafficking victims.
Ayon naman sa BI travel control and enforcement unit (TCEU) na nakapag-interview sa mga biktima, una umanong inihayag ng mga biktima na ang kanilang biyahe sa Iraq ay inayos ng isang travel agency na nakabase sa Manila.
Sinabi ng mga itong sa sandaling makarating sila sa Singapore ay sasakay daw sila sa connecting flights patungong Dubai o Qatar at patungo na sa kanilang final destination sa Iraq.
Inamin din umano ng mga itong nasa 30 Pilipino na ang na-recruite ng naturang sindikato na magtrabaho sa Iraq sa ilalim ng kaparehong employer