Aabot sa pitong indibidwal na may apelyidong Maute ang hinarang ng Bureau of Immigration (BID) sa pag-alis ng bansa ngayong hapon.

Kabilang sa mga naharang sina Abdulcahar Maute, Al nizar Maute, Abdulrahman Maute, Yasser Maute, Ashary Maute, Mawiyag Cota, Acmali Mawiyag.

Pasahero sila ng isang commercial airline na aalis sana patungong Kuala Lumpur, Malaysia, pero kasalukuyang nananatili sa airport police at sumasailalim sa interogasyon.

Ayon kay Ms. Charo Logarta, tagapagsalita ng Cebu Pacific, dinala na sa tanggapan ng airport police ang pito para sa imbestigasyon.

Pasakay na sana ang mga ito sa flight 5J499 ganap na alas-2:10 ng hapon.

Hindi naman masabi ni Logarta kung kabilang ang pito sa may arrest order na ipinalabas ng Department ofNational Defense kaugnay sa umiiral na Martial Law sa Mindanao.