-- Advertisements --

Pinabalik na ng Bureau of Immigration (BI) sa kanilang bansa ang pitong Chinese nationals na inatasang umalis sa bansa dahil sa pagiging pugante ng mga ito at pagtatrabaho sa bansa nang walang kaukulang permits at visas.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ini-report sa kanya ni BI Port Operations Chief Grifton Medina na na-deport na ang naturang mga banyaga lulan ng dalawang magkahiwalay na flights ng China Southern Airlines na patungong Xiamen.

Ang mga akusado ay sina Yong, Li Jia, Ye Bin at Wang Xuening na pugante dahil sa nagawang economic crimes sa China habang sina Xu Xiansheng, Gong Yaan at Xie Yuhong na pina-deport din ay dahil naman sa pagkakasangkot ng mga ito sa hindi otorisadong black sand mining operations dito sa Pilipinas.

Lumalabas na ang tatlong pugante ay kasama sa 270 illegal foreign workers na inaresto ng BI agents sa kanilang pinagtatrabahuan sa Ortigas Center sa Pasig City.

Ang mga suspek ay sikretong nag-o-operate ng online investment scam na layong mambiktima sa kapwa nila Chinese.

 Ang isa naman dito ay kabilang sa 304 illegal foreign workers na naaresto sa Puerto Princesa City, Palawan dahil sa illegal online gaming operations.

Samantala, ang tatlo namang deportees ay naaresto sa Masinloc, Zambales dahil sa black sand mining.