Nasa pitong mga bayan umano sa probinsiya ng Abra ang nasa isolated pa rin matapos ang nangyaring malakas na lindol nitong nakalipas na Miyerkules.
Iniulat ni Abra Gov. Dominic Valera na apektado ang access sa naturang mga munisipyo dahil sa ilang mga nasirang imprastruktura at mga insidente ng landslides.
Una nang inilagay na rin sa state of calamity ang Abra.
Habang umaabot na sa P339 million ang kabuuang pinsala sa lalawigan batay naman sa mga datos mula sa provincial government.
Sa ngayon ayon sa gobernador, pangunahin pa rin sa kanilang pangangailangan ay ang maayos na inuming tubig kaya naman ang iniinom nila ay nagmumula sa suplay ng mga bombero o firetrucks.
Samantala iniulat naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na puspusan naman ang ginagawa nilang pagtulong sa mga biktima ng lindol sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga portable water purification system.
Ayon sa MMDA ang mga solar-powered portable water purifiers ay maaring makapagbigay ng 180 liters ng malinis na inuming tubig kada oras.
Ang pagtulong ng team ng MMDA sa pagbibigay ng maiinom na tubig ay liban pa sa ginagawang pag-asiste rin sa clearing operations.