Napatay sa airstrike ng Israel Defense Forces ang nasa 7 aid workers kabilang ang mga dayuhan mula sa non-government organization na World Central Kitchen na nagdadala ng pagkain sa mga Palestino na naiipit sa nagpapatuloy na opensiba ng Israel laban sa Hamas sa Gaza na wala ng sapat na makain.
Ito ang kinumpirma ni World Central Kitchen founder José Andrés. Ang World Central Kitchen ay isa sa 2 NGOs na nangunguna sa mga pagsisikap na makapaghatid ng tulong sa Gaza sa pamamagitan ng pagdaan sa dagat mula sa Cyprus.
Kabilang sa napatay ang 3 British national,1 mula sa Poland, 1 sa U.S. at isang Canadian dual citizen
Samantala, kinumpirma din ng Australia na isa sa kanilang mamamayan ang kabilang sa mga nasawi sa naturang pag-atake.
Tinukoy ni Australian Prime Minister Anthony Albanese ang biktimang Autralian national na si Lalzawmi “Zomi” Frankcom na nagboluntaryo lamang sa organisasyon para tumulong sa pagbibigay ng tulong sa mga taong dumaranas ng matinding deprivation sa Gaza.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang opisyal sa pamilya ni Frankcom at umaasa aniya ang Asutralian government para sa full accountability sa pagkamatay ng aid workers.
Samantala, inihayag naman ng Israeli Defense Forces na nagsasagawa na sila ng masinsinang imbestigasyon sa naturang trahediya.