-- Advertisements --
image 307

Naghain ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng 69 na kasong kriminal dahil sa tax evasion laban sa illegal traders ng sigarilyo na nahuli sa isinagawang raid sa buong bansa noong Enero ng kasalukuyang taon.

Sinabi ni Commissioner Romero Lumagui na babala ito laban sa illegal traders kung saan hindi lamang aniya magsasagawa ng paghalugad ang ahensiya kundi magsasampa din ng kasong kriminal laban sa mga illegal traders.

Tiniyak ng opisyal na magiging regular na ang pagsasagawa ng raid ng ahensiya laban sa mga iligal na trader na may kaakibat na criminal cases sa ilalim ng kaniyang panunungkulan.

Nagpaalala din ang opisyal sa mga trader ng mga sigarilyo, vape, petroleum at iba pang goods na subject ang mga ito na magpatala sa BIR at magbayad ng kanilang obligasyong buwis.

Ibinunyag din ng BIR official sa isinagawang Global Anti-illicit Summit sa Taguig na ang tobacco smuggling ang isa sa mga balakid sa pag-abot ng BIR sa excise tax collection target nito.