-- Advertisements --

Umakyat pa sa 638 lugar sa bansa ang binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) dahil sa naitalang clustering of cases ng COVID-19.

Batay sa datos ng Health department, 79 areas ang nadagdag sa listahan sa pagitan nga mga petsang July 15 hanggang 17. Lahat ng ito raw ay galing sa komunidad.

Wala namang naitalang bagong clustered cases sa 49 na ospital at health facilities na dati nang may higit sa dalawang kaso ng COVID-19. Nananatili rin sa 24 ang clustered case sa mga jail facilities.

Mula sa 513 na total ng community-based clustered cases, pinakamarami ang 170 na naitala sa National Capital Region. Sumunod ang 122 sa Central Visayas at 55 sa Calabarzon.

May 36 areas naman sa Eastern Visayas ang mayroon ding clustered cases. 25 sa Central Luzon, 20 sa Davao region at Western Visayas; at 13 sa Bicol.

Pinakamababang bilang ng clustering ng mga kaso ang mayroon sa Cordillera sa dalawa; tatlo sa Mimaropa; apat ang sa Soccsksargen; lima sa Cagayan valley; at pito sa Bangsamoro region.

Habang walo ang clustered cases sa Caraga; 11 sa Zamboanga Peninsula; at 12 sa Norther Mindanao.