-- Advertisements --

Nasa ikaapat na araw ngayon na magkasunod na mahigit sa 8,000 ang mga bagong kaso ng COVID-19 ang naidadagdag sa Pilipinas.

Ayon sa Department of Health (DOH) nakapagtala sila ng panibagong 8,167 na karagdagang kaso ng COVID-19.

Ito ang unang pagkakataon sa pagtatala ng DOH na nangyari ang ganitong karaming kaso sa loob ng tatlong buwan.

Huling naganap ito ay noon pang buwan ng Abril hanggang Mayo ng taong kasalukuyan.

Dahil dito ang kabuuang COVID cases sa Pilipinas mula noong nakalipas na taon ay lumagpas na sa 1.6 million (1,605,762).

Ang mga aktibong kaso ngayon o nagpapagaling na mga pasyente ay mataas pa rin na nasa 62,615.

Nasa 93.9% sa mga aktibong kaso ay dumaranas naman ng mild cases.

Samantala marami naman ang mga bagong gumaling na umaabot sa 9,095.

Sa kabuuan ang mga nakarekober na sa bansa ay umaabot na sa 1,515,054 o katumbas yan ng 94.4%.

Sa kabila nito meron namang mga bagong namatay na nasa 77.

Ang mga pumanaw sa buong bansa dahil sa deadly virus ay kabuuang 28,093 na.

Meron namang tatlong mga laboratoryo ang bigong makapagsumite ng kanilang datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

“Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 3.9% (62,615) ang aktibong kaso, 94.4% (1,515,054) na ang gumaling, at 1.75% (28,093) ang namatay,” ayon sa statement ng DOH. “Ayon sa pinakahuling ulat, 1 laboratoryo ang hindi operational noong July 31, 2021 habang mayroong 3 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 4 labs na ito ay humigit kumulang 1.5% sa lahat ng samples na naitest at 1.0% sa lahat ng positibong mga indibidwal.”