-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang isang empleyado ng lokal na pamahalaan sa Negros Oriental.

Sa panayam kagabi ng Bombo Radyo Bacolod kay Bimbo Miraflor, public information officer ng Negros Oriental, positibo ang resulta ng test na isinagawa ng Research Institute for Tropical Medicine.

Ang pasyente ay 62-anyos na lalaki at residente ng isang lungsod sa Negros Oriental.

Bago nagkasakit, ang pasyente ay pumuntang Metro Manila upang lumahok sa pagpupulong at bago umuwi, bumisita ito sa Greenhills Shopping Center, ang mall kung saan matatagpuan ang prayer hall na palaging binibisitahan ng taong nagkasakit ng COVID-19.

Makalipas ang limang araw mula nang makauwi ito, nagkasakit ang empleyado.

Sa ngayon, naka-admit ang pasyente sa Siliman University Medical Center habang naka-home quarantine naman ang tatlong kasamahan nito dahil nakitaan ng mild symptoms.