Anim na sundalo, at tatlong indibidwal na pinaniniwalaang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Maute Group ang napatay sa nangyaring engkwentro sa Munai, Lanao del Norte.
Ayon sa commander ng 1st Infantry Division ng Philippine Army na si MGen. Gabriel Viray III, ito ay matapos ang ikinasang operasyon ng mga tropa ng militar sa naturang lugar noong Pebrero 18, 2024 na nagresulta sa sagupaan sa pagitan ng kasundaluhan at naturang mga terorista.
Tumagal ang naturang engkwentro sa loob ng dalawang oras na nagdulot din ng casualties sa magkabilang panig.
Sa datos, anim na enlisted personnel ang naitalang Killed-in-Action, at apat naman ang napaulat na Wounded-in-Action, habang tatlong terorista rin ang kumpirmadong patay.
Narekober sa lugar ang isang M16 at M14 rifles, gayundin ang isang M203 grenade launcher.
Samantala, kaugnay nito ay nagpahayag naman ng pasasalamat sa kasundaluhan si MGen. Viray para sa katapangan at dedikasyon ng mga tropa ng militar sa naganap na pinakahuling engkwentro laban sa teroristang DI-MG sa Lanao del Norte.