Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, nabatid na binabaybay ng itim na tricycle na minamaneho ni Angel Talavera, 38, ang kalsada na bahagi ng Albay West Coast Road upang magtungo sa Zone 1, Brgy. Basicao Coastal.

Subalit sa pagsapit nito sa naturang lugar partikular na sa pababang bahagi ng kalsada, nahulog umano ang sasakyan sa malalim na bahagi ng daan.

Kasunod nito, sugatan ang mga pasahero ng tricycle na sina Mario Advincula, 46; Susan Advincula, 49; Amy Borres, 47; Alejandre Lisay, 41, at isang 17-anyos na menor de edad, maging ang driver na si Talavera.

Agad namang itinakbo sa pagamutan ang mga ito para sa lunas.

Samantala, pinag-aaralan pa kung ano ang magiging pananagutan ng driver sa insidente sakaling magdesisyon ang mga pasahero na magsampa ng kaukulang kaso.