-- Advertisements --

KYIV, UKRAINE – Hindi bababa sa anim na katao ang nasawi at ilan pa ang nasugatan matapos magbukas ng putok ang isang lalaki at kumuha ng mga hostage sa lungsod ng Kyiv nitong Sabado, ayon sa mga opisyal ng Ukraine.

Nag-anunsyo si Interior Minister Ihor Klymenko na naganap ang insidente sa Holosiivskyi district sa timog ng lungsod. Ang suspek, na residente sa lugar, ay unang namaril sa mga tao sa kalsada bago kumuha ng mga bihag sa isang supermarket.

Ayon kay Klymenko, napatay ang suspek sa loob ng supermarket matapos ang engkwentro laban sa pulisya. Wala pang malinaw na motibo sa krimen.

Sinabi ni Pangulong Volodymyr Zelensky na 14 katao ang nasugatan, kabilang ang isang 12-taong gulang na bata. Apat ang nasawi sa kalsada, isang babae na tinatayang nasa edad 30 ang namatay sa ospital, at isa pang hostage ang pinatay ng suspek.

Nabatid na nakipag-usap ang mga negosyador ng pulisya sa suspek sa loob ng halos 40 minuto, ngunit hindi ito nagbigay ng anumang kahilingan. Dahil sa patuloy na panganib at pagkamatay ng isang hostage, inatasan ang mga awtoridad na tuluyang alisin ang banta. Apat na hostage ang nailigtas.

Kinilala ng Prosecutor General Ruslan Kravchenko ang suspek bilang isang 58-taong gulang na lalaki mula Moscow, Russia, na gumamit ng awtomatikong baril na rehistrado. Iniimbestigahan ngayon ang mga kalagayan ng pagkakakuha ng permit sa baril at ang buong insidente.

Ayon kay Zelensky, matagal nang nanirahan ang suspek sa Donetsk region, na nasa ilalim ng kontrol ng mga separatista bago ang buong pagsalakay ng Russia. Bago ang pamamaril, sinunog umano ng lalaki ang kanyang apartment.

Bagama’t madalas na tinatarget ng mga pag-atake ang Kyiv dahil sa nagpapatuloy na digmaan laban sa Russia, bihira ang ganitong uri ng pamamaril sa lungsod.