Patuloy na ngayong iniimbestigahan ng mga otoridad ang kaso ng anim na hinihinalang crypto trafficking ring na naharang ng Bureau of Immigration (BI) officers sa Clark International Airport (CIA).
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang naturang anim na mga pasahero ay sasakay na sana ng Jetstar flight patungong Phnom Penh nang sila ay nahrang ng mga immigration officers na nagduda sa dahilan ng kanilang pagbiyahe.
Sinabi ni Tansingco na hindi raw consistent ang sagot ng mga ito sa katanungan ng mga Immigration officers sa isinagawang interview.
Kahina-hinala raw ang kanilang pagpapanggap na turista pero ang kanilang naman talagang layunin ay magtrabaho sa ibayong dagat.
Nagpanggap din umano ang anim na magkakakilala pero hindi nila maipaliwanag kung paano, saan at kailan sila nagkakakilala.
Iniimbestigahan na rin daw ng Immigration bureau ang immigration officer na pumayag sa mga pasahero para sa kanilang departure at sinibak na ito sa kanyang puwesto habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
Lumalabas na cleared na ang mga pasahero at pasakay na ang mga ito sa eroplano nang imbitahan para sa pagtatanong ng mga personnel mula sa travel control and enforcement unit (TCEU) ng Bureau of Immigration.
Iniulat naman ni BI travel control and enforcement unit Acting Head Ann Camille Mina na maliban sa pagbibigay ng inconsistent statements, nagprisinta rin daw ang mga ito ng pekeng return tickets para sa petsa ng kanilang pagbabalik sa bansa.
Kalaunan ay inamin din daw ng mga banyaga na magtatrabaho sila bilang call center sa Cambodia at sila ay na-recruited sa pamamagitan ng Facebook.
Dahil sa naturang insidente, tiniyak naman ni Tansingco na hahabulin nila ang mga BI employees na sangkot sa trafficking rackets.
Maliban naman sa internal links, nais din nilang matukoy ang lugar at maaresto ang mga illegal recruiters na nanunuyo sa mga employees para maging bahagi ng kanilang illegal scheme.
Kabilang na rin dito ang panananamantala sa kahinaan ng ating mga kababayan na kanilang nire-recruit.
Sila daw ang nagiging ugat ng societal problem at kailangang sila ay maaresto dahil sa kanilang ginawang krimen.