BAGUIO CITY – Tinutugis na ng pulisya ang anim na katao na nagnakaw sa loob ng isang tindahan sa Western Buyagan, La Trinidad, Benguet.
Nakilala ang biktima na si Jinalyn Widwid Lardizabal, 40-anyos, may asawa, negosyante at residente ng Pinsao Pilot, Baguio City habang hindi pa nakikilala ang mga suspek.
Batay sa inisyal na resulta ng imbestigasyon ng pulisya, nakita sa CCTV footage ang tatlong lalaki at tatlong babae na pumasok sa tindahang pagmamay-ari ng biktima.
Nakita ng biktima na pumasok ang mga nasabing indibiduwal sa section ng mga shampoo at dishwashing liquids.
Pagkatapos ay nadiskobre na lamang ng biktima na wala na ang mga paninda niyang shampoo at dishwashing liquids kaya’t tinignan nito ang CCTV footage.
Natuklasan ng biktima na ninakaw ng mga suspek ang kanyang mga paninda gayundin din ang mga sapatos, sandals, at iba pang dry goods na may kabuoang halaga na P30,000.