BAGUIO CITY – Sinira ng nanalasang buhawi ang anim na bahay sa Labaan, Bucloc, Abra kahapon.

Ayon kay Elmer Bersamin, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Abra, apektado ang anim na pamilya na binubuo ng 28 indibidwal kung saan dalawang pamilya ang lumikas sa kanilang mga kamag-anak.

Aniya, dalawang bahay ang totally damaged at ito ay pag-aari ng pamilya nina Ruben Ganatin at Eliza Tubban habang apat ang partially damaged at ito ay pag-aari ng pamilya nina Amboy Dagsi, Elisa Salingbay, Zaldy Pavo at Reynaldo Galvan.

Personal namang binisita ng Bucloc local government unit (LGU) sa ilalim ng liderato ni Mayor Gybel Cardenas ang mga biktima para ibigay din ang kinakailangang emergency assistance.

Samantala, naitala ang dalawang malalaking pagguho ng lupa sa kalsada sa pagitan ng Barangay Labaan at Barangay Ducligan sa Bucloc.

Nasira din at hindi madaanan ang temporary bridge sa Barangay Poblacion Lamao ng Bucloc at naitala din ang tatlong hindi madaanang landslides sa Barangay Lingey na epekto ng patuloy na malakas na pag-ulan.