Humigit kumulang 6.4 million COVID-19 vaccines mula sa iba’t ibang manufacturers ang darating sa Pilipinas bago pa man matapos ang buwan ng Hunyo, ayon kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr.
Ang mga paparating aniya na mga bakuna ang siyang pupuno sa target deliveries ng pamahalaan ngayong buwan na aabot sa 10,804,820 COVID-19 jabs
Sinabi ni Galvez na 4 million COVID-19 vaccines mula sa Beijing-based pharmaceutical firm Sinovac ang darating sa bansa ngayong buwan ng Hunyo.
Sa naturang bilang, 1.5 million doses ang darating sa Hunyo 17, 1 million jabs sa Hunyo 24, at ang natitirang 1.5 million doses ay wala pang petsa kung kailan naman makakarating sa Pilipinas.
Nasa 250,000 COVID-19 vaccines mula naman sa Moderna ng Estados Unidos ang ide-deliver sa Hunyo 25.
Kasama sa bilang na ito ang 50,000 doses mula sa private sector.
Sa ikatlong linggo naman ng Hunyo, sinabi ni Galvez na 2.028 million AstraZeneca COVID-19 vaccines na donasyon ng United States sa COVAX facility ang ide-deliver sa Pilipinas.
Karagdagang 150,000 doses pa ng Sputnik V ang darating din sa bansa ngayon buwan, pero wala pang petsa kung kailan ito.
Sa darating na Hulyo naman, nasa 11.670 million COVID-19 vaccines ang inaasahang darating sa Pilipinas.
Para sa third at fourth quarter ng 2021, ayon kay Galvez, inaasahang makakatanggap ang Pilipinas ng 15 hanggang 20 million COVID-19 vaccines kada buwan.