-- Advertisements --

Layon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na papataasin nito ang produksyon ng Philippine Identification System (PhilSys) cards o National ID card.

Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-isyu ng 50 milyong ID sa pagtatapos ng taon.

Inihayag ni PSA Deputy National Statistician Fred Sollesta na simula Oktubre ay tataasan na nila ang kanilang produksyon ng hanggang sa 133,000 kada araw mula 80,000 kasama ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sinabi ni Sollesta na maglalabas din ang PSA ng printable at digital versions ng National IDs para makamit ang target na 50 million IDs na ibibigay sa katapusan ng taon.

Dagdag pa nito na ang napi-print at digital na bersyon ng National ID ay magkakaroon ng katulad na mga features gaya ng mga pisikal na card, tulad ng isang natatanging QR code na maaaring i-scan para sa authentication.

Ang mga printable at digital na bersyon ay ibibigay sa mga hindi pa nakakatanggap ng kanilang pisikal na card at valid pa rin na patunay ng pagkakakilanlan ng isang tao.

Aniya, hanggang sa kasalukuyan ay 71 milyong Pilipino ang nakarehistro sa PhilSys, kung saan kinukuha na ang kanilang demographic at biometrics information.

Sa bilang na ito, 17 milyong card ang nagawa kung saan 15 milyon ang naipamahagi.