-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Magpapalipas ng gabi sa evacuation centers ang nasa 500 pamilya mula sa siyam na barangay sa bayan ng Tiwi, Albay.

Ito ay matapos na ipag-utos ni Tiwi Mayor Jaime Villanueva ang mandatory preemptive evacuation sa mga nasa landslide-prone areas dahil na rin sa malakas na pag-ulan na inaasahan sa magdamag, dulot ng bagyong Ramon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sinabi ni Villanueva na nangangamba ang lokal na pamahalaan na maulit ang nangyari sa pananalasa ng Tropical Depression Usman noong Disyembre 30, 2018 kung saan higit 10 katao ang namatay matapos na mailibing ng buhay sa pagguho ng lupa.

Mismong ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) umano ang nagrekomenda ng naturang hakbang sa mga panahon ng kalamidad, lalo na sa walong upland barangays sa Sogod, Lourdes, Bariis, Joroan, Maynonong, Misibis, Dapdap at Brgy. Nagas.

Aminado naman si Villanueva na may ilan pa ring nagmamatigas na sumunod subalit prayoridad sa ngayon ang mga matatatanda, bata at kababaihan na mailikas.

Sa kabilang dako, umabot na sa 517 ang stranded na pasahero habang pinigilan na ring makabiyahe ang 135 rolling cargoes, 23 barko at dalawang motorized bancas sa mga pantalan ng Catanduanes, Albay at Sorsogon.

Pinakamarami ang naantala ang biyahe sa Tabaco Port na umabot ng 241 katao, ayon sa tala ng Coast Guard District Bicol.