Ilang daang libong biik na ang naipamahagi ng Department of Agriculture (DA) mula noong 2019 nang unang maitala ang kaso ng African swine fever (ASF) sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ng DA na aabot na sa 500,000 piglets ang kanilang naipamahagi sa mga hog raisers na apektado ng ASF.
Madadagdagan pa ito sa kanilang inilunsad na Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) noong nakaraang linggo.
Ang programang ito ay pinaglalaanan ng P600 million, na naglalayong pabilisin ang repopulation efforts ng kagawaran upang matiyak ang availability, accessibility, at affordability ng mga pork products sa bansa.
Sa naturang pagdinig, iginiit ni Pork Producers Federation of the Philippines president Edwin Chen na hindi sagot ang pag-aangkat ng pork products sa kinakaharap na problema ng bansa sa supply ng mga karne ng baboy.
Maging si House Deputy Speaker Rodante Marcoleta ay nagsabi ring hindi ito practical, dahil ang higit na kailangan ngayon ay palaganapin ang mga inahin na baboy.










