CENTRAL MINDANAO – Sumailalim sa skills training ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA-12) ang 50 bilanggo ng North Cotabato District Jail (NCDJ).
Ang nasabing mga preso ay nagtapos na sa kanilang pagsasanay sa appliance repair sa loob ng district jail sa Barangay Amas, lungsod ng Kidapawan.
Bago nagtapos ang mga inmates ay nagkaroon muna ng pagsusuri sa kanilang gawa ang TESDA-12 kung pasado ang mga ito sa naturang pagsasanay.
Ang mga materyales naman na ginamit ng mga preso sa loob ay kaloob ng naturang ahensya.
Maliban sa appliance repair, asahan din ang pag-aaralan ng iba pang mga preso ang food processing at carpentry.
Nabatid na sa mga nagdaang pagsasanay, 25 na rin ang nakapagtapos sa Welding o SMAW NC-II, 30 naman sa Meat Processing at 50 naman sa bread making.
Ang naturang programa ng BJMP ay naglalayong ihanda ang mga preso kung sakaling lumaya na sila at agad makahanap ng trabaho.
Maliban sa mga preso ay sasailalim rin sa training ang mga rebel returnees, drug dependents, mga estudyante, out of school youth at iba pa.