Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na limampung mahihirap na pamilya mula sa Tondo, Maynila ang magiging paunang benepisyaryo ng pilot implementation na food stamp program na ilulunsad sa Hulyo 18.
Ayon kay Gatchalian, handa ang DSWD na simulan ang programa kasama ang 50 pamilya mula sa Tondo na kinokonsiderang “food poor” ng Philippine Statistics Authority.
Layunin nitong makapagtala ng kabuuang isang milyong pamilya na bawat isa ay makatatanggap ng tap card na naglalaman ng P3,000 halaga ng food credits kada buwan.
Sa ilalim ng plano ng ahensya, unti-unting palalawakin ang programang “Walang Gutom 2027” hanggang sa masakop nito ang 3,000 pamilya sa Marso sa susunod na taon.
Ang pilot implementation ay susuriin, at pagkatapos ng anim na buwan, ito ay palalawakin sa 300,000 na pamilya, at panibagong 300,000 sa susunod na taon hanggang sa umabot ito sa isang milyong benepisyaryo na pamilya.
Ang isang milyong pamilya ay magmumula sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na sa mga lugar na mahirap abutin, conflict areas at pinakamahihirap na komunidad.
Ngunit muling iginiit ng kalihim na ang programa ay hindi isang donasyon, dahil ang mga benepisyaryo ay kinakailangang dumalo sa mga nutritional classes upang maitanim sa kanila ang mahahalagang hakbang sa kalusugan.
Ang mga tap card ay gagamitin ng mga benepisyaryo upang bumili ng pagkain sa mga Kadiwa store at sa anumang awtorisadong grocery.