-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isinailalim sa swab test ang halos 50 katao na kabilang sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa mga nakaraang araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Bernard Dy, umaasa sila na magiging negatibo ang resulta ng mga ito.

Aniya, ang mga naturang bilang ay pawang direct contact ng mga naunang COVID-19 patients.

Kaugnay nito ay umabot na sa 60 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Cauayan City na kinabibilangan ng isang senior citizen at kinilalang si patient CV 2685, 81 anyos na lalaki at residente ng Barangay Cabaruan.

Nakaranas ng pagdudumi ang pasyente dahilan upang kumonsulta sa isang pribadong hospital at nag-positibo sa rapid test.

Bilang protocol, siya ay dinala sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) at sumailalim sa swab test.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng City Health Office kung saan maaaring nakuha ng pasyente ang sakit dahil wala naman siyang travel history at hindi matukoy ang kanyang history of exposure.

Maliban sa patuloy na contact tracing ay kabilang din sa tinututukan ng pamahalaang lunsod ang pagdaragdag ng quarantine facility dahil sa dami na ng mga locally stranded individual at mga natutukoy na contact ng mga nagpositibo sa virus.

Dahil dito, umapela ang punong lunsod sa publiko na sundin ang mga minimum health protocols kabilang na ang pagsusuot ng facemask at faceshield upang hindi mamulta at masampahan ng kaso.

Samantala, mula sa araw ng lunes ay lalo pang hihigpitan ang pagpasok sa pribadong pamilihan ng lunsod.

Ayon kay Mayor Bernard Dy, maliban sa paglimita sa entry at exit point ay lilimitahan na rin ang bilang ng mga papasok upang mamalngke.

Hindi naman bukas ang pamahalaang lunsod sa usapin na scheduling ng pamamalengke gayunman ay hinihikayat nila ang bawat barangay na magpatayo ng pansamantalang mini market o talipapa upang hindi na kailangang lumabas pa ang kanilang kabarangay.