Pinag-aaralan ng House mega-committee sa energy crisis ang panukalang gawing electric ang hindi bababa sa kalahati ng mga sasakyan ng pamahalaan upang mabawasan ang pagdepende sa langis at mapagaan ang epekto ng tumataas na presyo ng fuel.
Ayon kay House Ways and Means Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo, ito ang isa sa pinakamabilis at praktikal na hakbang na maaaring gawin ng gobyerno, na dapat manguna sa paglipat sa electric vehicles.
Lumabas ang panukala sa unang pagdinig ng LEAD Council kung saan layunin nitong palakasin ang kakayahan ng ekonomiya laban sa oil price shocks.
Bagama’t maliit ang paggamit ng diesel sa power generation ng bansa, nananatiling nakadepende sa langis ang sektor ng transportasyon.
Binigyang-diin ni Quimbo ang pangangailangang pabilisin ang paggamit ng renewable energy, solar, at battery technologies, kasama ang pagbibigay ng insentibo sa mga industriyang ito.
Ayon sa kanya, mahalaga ang mga pangmatagalang hakbang na ito upang maprotektahan ang ekonomiya at mga konsyumer laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.










