-- Advertisements --

Sa layuning mas palakasin ang pagbabantay sa teritoryo ng bansa, pormal nang inaktiba ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Coast Guard District Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea (WPS).

Pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang isinagawang seremonya sa Pag-asa Island. Dinaluhan din ito nina Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez at Senator Erwin Tulfo.

Ayon kay PCG spokesperson for the WPS Rear Admiral Jay Tarriela, apat ang pangunahing layunin sa pagtatag ng bagong distrito sa lugar. Una rito ang pag-upgrade sa kasalukuyang yunit upang maging isang ganap na major district na pamumunuan ng isang Coast Guard commodore para matiyak ang mas epektibong pamumuno at pagbabantay sa rehiyon.

Plano rin ng ahensya na mag-deploy ng karagdagang dedicated assets, kabilang ang mga barko at aircraft, na gagamitin nang eksklusibo para sa maritime security, search and rescue operations, at pangangalaga sa kalikasan.

Kasama rin sa direktiba ang pagpapaigting ng infrastructure development, pagbuhos ng karagdagang pondo, at mas malawak na logistical support sa mga inookupahang isla.

Bukod sa aspeto ng seguridad, layon din ng bagong coast guard district na mas ilapit ang mga pangunahing serbisyo ng gobyerno—tulad ng edukasyon, kalusugan, at maging spiritual services—sa mga residente ng Kalayaan local government.

Binigyang-diin ni Tarriela na ang inisyatibong ito ay may basbas at suporta ng Punong Ehekutibo, bilang bahagi ng matibay na paninindigan ng pamahalaan sa pagdepensa sa pambansang soberanya laban sa mga dayuhang pwersa.