MANILA – Inamin ng Department of Science and Technology (DOST) na hangga’t maaari ay target nilang ipasok sa Pilipinas ang limang uri ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccines.
“Our target is that for the Philippines, we will be able to get at least one of each type of vaccine platforms,” ani Science Usec. Rowena Guevara sa isang media forum.
Pahayag ito ng opisyal sa gitna ng mga nag-uunahan nang bansa para makakuha ng kani-kanilang supply ng bakuna.
Batay sa presentation ng DOST, may limang platform o teknolohiyang ginagamit ngayon sa pag-develop ng COVID-19 vaccine.
Una ay ang “inactivated” platform, kung saan ginagamit ang pinatay na virus; sumunod ang “live attenuated.” Dito pinapatay naman ang mismong virus. Layunin ng mga teknolohiya na makabuo ng immune response ang tatanggap ng ganitong uri ng bakuna.
Ikatlo ay ang “nucleic acid based” platform — RNA at DNA, kung saan kumukuha ng maliit na bahagi ng genetic information para makagawa ng mas ligtas na viral protein ang cell.
Sa proseso naman ng “protein-based,” ginagamit ang surface protein structure ng virus.
Habang sa “viral vector,” gumagamit ng pinahinang bersyon ng virus para maging carrier ng gene ng COVID-19 spike proteins.
Ayon sa DOST, halos lahat ng vaccine developers na nakausap ng pamahalaan ang gumamit ng mga nabanggit na teknolohiya sa paggawa ng bakuna.
“When we do the clinical trial, we hope that we’ll get one of each and when we do the procurement, we also hope to get one of each kind,” ayon kay Usec. Guevara.
Paliwanag ng opisyal, lumabas sa mga pag-aaral sa ibang bansa na puwede para sa iba’t ibang antas ng edad ang mga uri ng bakuna.
“Mayroon kasi ginawa nilang study for 60 to 84 years old, mayroong for 18 to 59 (years old), so iba-iba ang potential vaccinee for each type of vaccine. That’s why we’re exploring the available platforms.”
“With regards sa efficaciousness and safety, lahat naman yan papasa doon bago natin pwedeng gamitin sa Pilipinas.”
Ang ikinakabahala lang daw ng pamahalaan ngayon ay ang inaasahang pang limitadong supply ng bakuna sa susunod na taon.
Kaya mas makabubuti umano na makakuha ang bansa ng lahat ng uri ng COVID-19 vaccines.
Sa ngayon, patuloy na nakikipag-negosasyon ang pamahalaan sa 22 kompanya at institusyon na gumagawa ng COVID-19 vaccines.
Guevara: The task group on vaccine evaluation and selection is working with 22 potential leads. They’re coming from various countries with which the country has bilateral arrangements. | @BomboRadyoNews pic.twitter.com/i02ZN1mQLh
— Christian Yosores (@chrisyosores) December 18, 2020
Kung maaalala, umatras ang AstraZeneca ng United Kingdom sa clinical trial application, matapos amining kompleto na ang kinakailangan nilang ebidensya sa pag-aaral.