-- Advertisements --

Sinuspinde ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang dalawang Sangguniang Kabataan (SK) officials sa Makati matapos masangkot sa alegasyon ng korapsyon.

Kinilala ng DILG ang mga sinuspindeng SK officials na sina Natalia Georgianna Tupaz ng Barangay Dasmariñas at Cecilia Louise Yabut ng Barangay Magallanes, Makati City.

Si Tupaz ay sinuspinde ng anim na buwan matapos umanong humingi ng 20% kickback mula sa supplier para sa isang Halloween project.

Ayon sa imbestigasyon, sinusuportahan ito ng Viber messages at phone call records.

Iniuugnay din siya sa umano’y pamemeke ng pirma sa isang SK resolution.

Habang si Yabut naman ay sinuspinde ng tatlong buwan matapos umanong magsumite ng mga dokumentong may peke o hindi awtorisadong lagda, kabilang ang pirma ng isang SK kagawad na nasa abroad noong panahong iyon.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, posibleng maharap si Tupaz sa mga kasong direktang panunuhol, paglabag sa Republic Act No. 3019, at falsification of public documents sa Office of the Ombudsman.

Dahil sa insidente panawagan ngayon ni Remulla na dapat nang pag-isipan ang pagbuwag sa SK, at sa halip ay ipasa na lamang sa barangay councils ang pagtatalaga ng youth representatives.

“Corruption has reached the SK all the way to the richest barangay. We are not singling out anyone, small or rich barangay,” ani ng Kalihim.

Binanggit din niya ang mataas na attrition rate ng SK officials, kung saan maraming umaalis sa puwesto dahil sa pag-aaral, trabaho, o pag-aasawa, dahilan upang magkaroon ng mga interim officers.

Matatandaang una nang iminungkahi ni Remulla ang posibilidad ng abolishment ng SK, kasabay ng mga panawagan para sa reporma sa sistema ng youth representation sa barangay level.

Bukas naman ang Bombo Radyo Philippines para sa panig ng dalawang nasasangkot na SK officials.