Limang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) ang inalis sa tungkulin at isinailalim sa preventive suspension matapos na umikot sa social media ang isang video na nagpapakita ng umano’y insidente ng pangingikil sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang biktima, isang Thailand national, ay nag-post ng mga video sa Facebook noong Pebrero 22, kung saan nahuli umano sa akto ang mga tauhan ng Office for Transportation Security sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Ang unang video ay nagpakita ng dalawang staff na nagsingit ng isang bagay sa kanilang mga bulsa pagkatapos ng security checkpoint.
Ipinakita rin na ang papaalis na Thai national na humihiling sa Security Screening Officer (SSO) na ibalik ang ¥20,000 o ₱8,000 na kinuha sa kanya.
Nakita rin ang mga tauhan ng Office for Transportation Security na ibinalik ang pera sa pasahero, habang ang Security Screening Officer naman ay narinig na nagsasabi na tanggalin ang video.
Ayon sa pamunuan ng tanggapan, natukoy na nito ang mga screening officer na kasangkot na kung saan apat sa kanila ay job order staff na tinanggap noong nakaraang taon, habang ang isa ay isang kontraktwal na empleyado na nagtatrabaho nang humigit-kumulang 5 taon.
Dagdag dito, naghahanda na umano ang mga imbestigador na magsampa ng mga naaangkop na administrative cases.
Mula noong Hulyo, 14 na tauhan ng Office for Transportation ang na-dismiss habang 3 iba pa ang nasuspinde at anim na kaso ang nanatiling nasa ilalim ng imbestigasyon ng Office for Transportation Legal Service.