CAUAYAN CITY- Matagumpay na nasagip ng Coast Guard Batanes ang 5 tao na sakay ng tumaob na recreational boat sa barangay Chanarian, Basco, Batanes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coast Guard Ensign James Guerrero, Station Commander ng Coast Guard Batanes sinabi niya na 9:00am kahapon, April 17, 2022 ng matanggap nila ang ulat kaugnay sa lumubog na bangka ng may sakay na 5 katao sa barangay Chanarian, Basco, Batanes.
Nang matanggap ng Coast Guard Station Batanes ang impormasyon, agad silang nagsagawa ng search and rescue operation kung saan nakita nila ang bangka na nakataob 100 metro ang layo sa baybayin ng Chanarian.
Agad nilang nasagip sina Harly Calvez, Elgie Calvez, at Hazel Calvez, mga residente ng Kayvaluganan, Basco, Batanes at sina Mark Anthony Reyes at Rose Marie Reyes na kapwa residente ng barangay San Joaquin, Basco, Batanes.
Aniya, tumaob ang bangka matapos itong hampasin ng malalakas na alon maliban pa sa pabago pabagong kondisyon ng dagat.
Ang mga nasagip ay pawang Ivatan na residente ng Batanes.
Aniya, naisipan lamang ng mga biktima na pumalaot para maranasang maligo sa dagat habang nasa bangka ,wala ring suot na life vest ang mga biktima ng sila ay pumalaot maliban rito ay overloaded rin ang bangka.
Dinala ng Coast Guard Station Batanes ang bangkang sinakyan nila sa Basco Port.
Ayon pa sa Coast Guard Station Batanes, nasa maayos na kalagayan ang 5 tao na na-rescue.