-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Sasampahan ng pulisya ng patung-patong na mga kasong kriminal ang nasa lima na itinurong nasa likod ng bombing incident na ikinasawi ng apat na katao at sumugat ng higit 70 sa loob ng Mindanao State University main campus ng Marawi City,Lanao del Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Maj. Moner Alinaid,tagapagsalita ng Lanao del Sur Police Provincial Office na kabilang sa kakasuhan ay ang dalawang miyembreo umano ng Dawlah Islamiyah-Maute terror group na sina Cadapi Mimbesa alyas Engineer;Arsani Mimbesa alyas Lapitos at tatlong nagsilbing ‘John Does.’

Sinabi ni Alinaid na isasampa nila sa piskalya ng Marawi City ang mga kasong paglabag sa anti-terrorism act;multiple murder at multiple frustrated murder laban sa mga salarin ng Dimaporo Gymnasium improvised explosive device explosion.

Dagdag nito na ilang dokumento na lang ang tinatapos partikular sa affidavits ng mga testigo para maihain na sa piskalya ang mga kaso laban sa mga salarin.

Magugunitang una nang nasampahan ng obstruction of justice at illegal possession of explosives ang isang Jaffar Gamo Sultan alyas Kurot dahil ayon sa pulisya kaanib rin ng kilusang terorista sa Lanao del Sur.