Pinasisibak na sa serbisyo ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang limang pulis na sangkot sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.
Ayon kay PNP IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, batay sa resulta sa isinagawang imbestigasyon ng IAS na ambush ang nangyaring pagpaslang sa alkalde at hinde shootout.
Dagdag pa ni Triambulo, dalawang taong pinagplanuhan ang pagpatay kay Mayor Aquino.
Aniya, nasa 267 ang tama ng bala ng baril sa sasakyan ni Mayor Aquino bukod pa ito sa siyam na tama ng baril sa windshield na malinaw ang intensiyon na patayin ang sakay nito.
Sinabi pa ni Triambulo na hindi rin maipaliwanag ng mga inaakusahang pulis kung bakit nakasuot ng bonnet ang dalawa sa napatay na suspek na pulis na sina Capt. Joselito Tabada at SSgt Romeo Laoyan.
Nauna nang sinabi ng mga testigo na naunang nagpaputok ng baril ang mga pulis at gumanti lamang ng putok ang mga kasama ni Mayor matapos na mapatay ang police escort na si SSgt Rodeo Sario at ang driver nito na si Dennis Abayon.
Ang mga pulis na inirekumenda ng IAS kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na sibakin sa serbisyo ay sina:
PLtCol. Harry Sucayre, PLtCol. Shyrile Tan, PLt. Julio Armeza Jr. pawang naka -assign sa PNP-IMEG.
Si PSSg Neil Cebu ng EOD /K9, Samar PPO at PCPL Edsel Omega ng PDEU, Samar PPO.
Dagdag pa ni Triambulo, abswelto naman sa kasong administratibo ang 16 na pulis na una nang isinasangkot sa operasyon.
Naisumite na ng IAS ang kanilang rekumendasyon sa Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) nuong Huwebes.