ILOILO CITY – Sugatan ang limang pulis matapos nabangga ang sinasakyang van sa Miag-ao, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay PSSg. Dorothy Gelasan, traffic investigator ng Miag-ao Municipal Police Station, sinabi nito na nangyari ang aksidente sa Barangay Palaca, Miag-ao, kung saan bumangga sa isang bahay ang nasabing van.

Ayon kay Gelasan, kumuha ng nuero exam sa Police Regional Office 6 sa Camp Martin Delgado, Iloilo City, at pabalik na ng kanilang estasyon ang mga biktima.

Nakatulog aniya ang driver ng van na si P/Cpl. Romeo Demafelis na naging dahilan ng aksidente.

Sakay ng van sina P/Cpl. Aura Mae Militante, P/Cpl. Ma. Fe Noble, P/Cpl. Aries Espares, at P/Cpl. Glenn Alonsagay.

Nasa ligtas nang kalagayan ang mga biktima ngunit nananatili sa ospital si Alonsagay matapos nabalian ng tuhod.