-- Advertisements --

Cauayan City – Natukoy na ng Cagayan Valley Inter-Agency Task Force ang limang Person Under Investigation o PUI’s na hinihinalang nakasalamuha ni patient 275 na kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Tuguegarao.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan, sinabi niya na natukoy na nila ang tatlo mula sa apat ng PUI’s na lulan ng bus na sinakyan ni patient 275 na bumaba sa lungsod ng Ilagan at sa ngayon ay mahigpit na sumasailalim sa 21 days home quarantine habang ang isa pang PUI ay kasalukuyan pang tinutukoy.

Naka home quarantine na rin ang driver at konduktor ng bus na nagawa pang makauwi sa San Pablo, Isabela.

Samantala, isa naman sa mga minomonitor na PUI sa lalawigan ang nasawi. Ang nasabing pasyente ay mula umano sa Tumauini, Isabela.

Sumailalim sa coronavirus confirmatory testing ang PUI subalit bago pa dumating ang resulta ng pagsusuri ay nasawi na ito noong ika-21 ng marso.

Una rito ay nakaranas ng ubo at hirap sa paghinga ang PUI na in-admit pa sa IDGH kung saan na-diagnose itong may SARI o Severe Accute Respiratory Infection.

Bagamat hindi pa nagpopositibo ang nasawing PUI ay itinuring siyang COVID-19 positive upang sundin ang protocol sa paglilipat at paglilibing sa bangkay.

Sa ngayon, aniya ay mahigpit na minomonitor ng Barangay Health Emergency Response Team ang pamilya ng nasawing PUI na sa kasalukuyan ay sumasailalim rin sa home quarantine.