CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang limang katao nang sumalpok ang isang Isuzu aluminum wing van truck sa isang bahay sa Sitio Langga, Brgy San Vicente, Sumilao, Bukidnon.

Kinilala ang mga namatay na sina Erman Falcis, driver at ang helper ng truck na si Raymart Galagala.

Sinabi ni Sumilao Municipal Police Station commander Capt. Camelo Cacho, nakipaghabulan umano ang truck na may kargang fertilizer sa isang sports utility vehicle at pagdating sa kurbadang bahagi ng daan ay nawalan ng kontrol ang driver kaya’t nahagip nito ang mga naliligong biktima na sina Teresa Jagonal, 64; Jean Tumatao, 3, at Bobby Orjena, 13, na nagresulta rin sa kanilang pagkamatay.

Nagtuloy-tuloy pa sa pagtakbo ang truck hanggang sa mahulog sa bangin.

Dahil sa sunod-sunod na mga aksidente sa Bukidnon, hiniling na ni Provincial Police Office director Col. Roel Lamiing kay Governor Jose Maria Zubiri na magpasa ng resolusyon para sa speed limit ng mga sasakyang papasok at palabas ng naturang lalawigan.